Isang matandang babae ang nasawi matapos mabangga habang tumatawid sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Cayponce, Balayan, Batangas pasado alas-11 ng gabi noong October 11, 2025.
Ayon sa ulat ng Balayan Municipal Police Station, isang tawag mula sa concerned citizen ang kanilang natanggap kaugnay ng isang aksidente sa naturang lugar.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na ang biktima na nakilalang si Lormina, tinatayang nasa edad 60, at residente ng Barangay Calzada o Ermita, Balayan, ay tumatawid umano sa kalsada nang mabangga ng isang tanker truck na may plakang RLU 651.
Ang naturang truck ay minamaneho ni Silverio, 48 anyos, isang driver at residente ng Barangay Binubusan, Lian, Batangas. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng malulubhang sugat ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Balayan Police sa insidente upang matukoy ang iba pang detalye at pananagutan ng driver. | BChannel news