Pinag-aaralan ng Department of Transportation o DOTr at Maritime Industry Authority o MARINA ang pilot testing ng electric at hybrid ferries sa Pilipinas, na posibleng makatulong sa pagpapababa ng fuel costs, carbon emissions, at operating expenses ng mga barko.
Kabilang sa mga pinagpipiliang ruta ang Iloilo-Bacolod para sa pure electric ferries at Batangas-Calapan para naman sa hybrid vessels na gumagamit ng diesel engine at electric motor na may rechargeable batteries.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, layunin ng pag-aaral na malaman kung paano iaangkop ang teknolohiyang ito sa mga rutang pandagat sa bansa at kung paano makikinabang ang mga pasahero, shipowners, at kalikasan.
Batay sa MARINA, umabot sa humigit-kumulang 69 million passenger trips ang naitala sa maritime transport ng Pilipinas noong 2025. Sa halos 4,000 domestic passenger ships, nasa 300 inter-island ferries ang tinatayang responsable sa 86 percent ng carbon dioxide emissions mula sa domestic ferries.
Sa pag-aaral naman ng World Bank, maaaring mas mahal nang US$10 million ang electric ferry kumpara sa conventional vessel. Gayunman, maaari itong magbigay ng mahigit 8 percent return. Samantala, maaaring umabot sa US$25 million hanggang US$50 million ang gastos sa fuel ng conventional ferry sa loob ng 15 taon, depende sa presyo ng langis.
Ayon sa World Bank, posibleng mabawi ang gastos sa electric ferry nang hindi nagtataas ng pamasahe, batay sa kanilang financial model at 15-year operating cycle. Kabilang sa mga rutang angkop sa electric ferries ang may hindi bababa sa 500,000 pasahero kada taon.
Bukod sa pagbili ng bagong barko, pinag-aaralan din ng MARINA ang pag-convert ng mga kasalukuyang ferry sa electric o hybrid systems. Posible rin itong magbukas ng oportunidad para sa local shipbuilding industry.
Noong September, bumisita sa Norway ang Philippine delegation upang pag-aralan ang electric ferries, battery at charging systems, at shipbuilding technologies. Nagpahayag din ng kahandaang makipagtulungan sa pilot project ang Archipelago Philippine Ferries Corporation, operator ng humigit-kumulang 20 FastCat vessels, kabilang ang posibilidad na i-convert ang isang FastCat sa electric power.
Sa November 4, magsasagawa ang DOTr at MARINA ng stakeholder consultation sa Iloilo upang talakayin ang vessel technology, charging infrastructure, financing, at posibleng retrofitting bago isulong ang pilot operations.