Isang tricycle na may sakay na limang estudyante ang nasangkot sa banggaan laban sa isang SUV sa Barangay San Miguel, Lobo, Batangas, bandang alas-4:30 ng hapon, October 16, 2025.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Lobo Municipal Police Station, minamaneho ng 64-anyos na si Angelito, residente ng Brgy. San Miguel, ang isang tricycle na may limang pasahero—lahat ay estudyante ng Lobo Senior High School—papunta sa Brgy. Malapad na Parang.
Samantala, pa-Lobo town proper naman ang isang SUV na minamaneho rin ng 64-anyos na si Gil mula Brgy. Poblacion.
Pagdating sa lugar ng insidente, iniwasan umano ni Angelito ang isang lubak na may tubig sa kalsada nang makasalubong ang SUV at magsalpukan ang dalawang sasakyan.
Sugatan sina Angelito at tatlo sa mga estudyanteng sakay niya, at agad dinala ng Lobo MDRRMO sa Lobo Municipal Hospital para gamutin. Samantala, ligtas naman ang dalawang iba pang estudyante, pati na rin si Gil at ang kanyang pasahero.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang aksidente. | BChannel news