Anim na sako ng hinihinalang tuyong marijuana o “kush” na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 20 milyong piso ang isinuko ng grupo ng mga mangingisda mula sa Balayan, Batangas.
Bandang alas-7:30 ng umaga nitong November 2, dumating sa Balayan Municipal Police Station ang grupo ng mga mangingisda matapos ang kanilang 21-day fishing expedition sa West Palawan area, sa loob ng West Philippine Sea.
Ayon sa ulat ng Batangas Police Provincial Office, agad na iniulat ng mga mangingisda na nakapulot sila ng anim na sako ng pinaniniwalaang kontrabando habang sila ay nasa laot. Kaagad naman nilang dinala at isinuko ito sa mga awtoridad.
Sa koordinasyon ng Balayan Police sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-Batangas, napag-alamang ang Standard Dangerous Drug Price ng kush ay nasa P1,500 kada gramo. Sa kabuuang timbang na 13.5 kilo, aabot sa P20,250,000 ang tinatayang halaga ng nasabing mga droga.
Agad namang siniguro ng mga tauhan ng Balayan MPS ang paghawak at pagproseso ng mga nakumpiskang item, habang tumulong din ang Batangas Forensic Processing Unit sa pagsusuri at laboratory analysis. Sinuri rin ang bangka ng mga mangingisda upang tiyaking walang iba pang kontrabando.
Mahigpit namang ipinatutupad ang wastong dokumentasyon at chain of custody alinsunod sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at sa Standard Operating Procedures ng PNP sa paghawak ng mga ebidensiya.
Sa pahayag ni Police Colonel Sibalo, pinuri nito ang katapatan at malasakit ng mga mangingisda sa pagsuko ng mga ilegal na droga. | BChannel news