Arestado ang isang tricycle driver matapos umanong managa ng kaniyang kapwa drayber sa Barangay Santa Clara, Batangas City nitong Nobyembre 3, 2025.
Kinilala ng Batangas City Police Station ang suspek na si Mark, 27 anyos, at residente rin ng nasabing barangay. Ang biktima naman ay nakilalang si Tomas, 40 anyos, isa ring tricycle driver na taga-Barangay Santa Clara.
Batay sa imbestigasyon, nasa isang sari-sari store ang biktima nang bigla umanong lapitan ng suspek na may dalang bolo.
Dahil sa galit, sinugod umano ni Mark si Tomas at tinaga ito, na tumama sa kanang braso ng biktima. Agad namang tumakas ang suspek patungong PPA Road sa parehong barangay.
Humingi ng saklolo ang biktima sa mga nagpapatrolyang pulis ng Sector 4 ng Batangas City Police na mabilis namang rumesponde at nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Batangas City Police Station ang suspek habang nakasampa na sa Batangas City Prosecutor’s Office ang kasong Attempted Murder laban sa kanya.| BChannel news