Nauwi sa trahedya ang misyon sanang pangresponde sa kalamidad, matapos bumagsak ang isang Super Huey helicopter ng Philippine Air Force sa Loreto, Agusan del Sur kahapon, Nov. 4.
Ang Huey ay bahagi ng lima pang helicopters na lumipad mula Davao patungong Butuan para sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis mission o RDANA—isang operasyon na layong matukoy ang pinsala matapos ang malakas na ulan sa rehiyon.
Ayon kay PAF Spokesperson Colonel Ma. Christina Basco, pansamantalang hindi muna makalilipad ang tatlo pang Huey helicopters habang iniimbestigahan ang insidente, bilang bahagi ng kanilang standard procedure.
Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng Air Force at Eastern Mindanao Command para sa retrieval at forensic identification ng anim na sakay ng bumagsak na chopper—dalawang piloto at apat na crew mula sa 505th Search and Rescue Group.