Umakyat na sa 66 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino, o Kalmaegi ayon sa NDRRMC nitong Novembe 5, 2025.
Pinakamarami sa mga biktima ay mula sa Cebu, kung saan 49 ang naiulat na nasawi dahil sa pagbagsak ng mga debris, landslide, at matinding pagbaha.
May tig-iisang nasawi rin sa Bohol, Capiz, at Leyte dahil sa pagbagsak ng puno at pagbaha. Sa Negros Island Region, pito ang nasawi—dalawa sa kanila ay tinamaan ng bumagsak na debris.
Patuloy namang inaalam ang sanhi ng pagkamatay ng limang iba pa.
Samantala, anim na kasapi ng Philippine Air Force ang nasawi nang bumagsak ang isang Super Huey chopper sa Agusan del Sur nitong Martes ng hapon.
Labintatlong katao pa rin ang nawawala sa Cebu at Negros Occidental.
Si Tino, ang ika-20 bagyo ngayong taon, ay nanalasa sa malaking bahagi ng Visayas, pati sa ilang lugar ng Mindanao at Southern Luzon. Inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility ngayong gabi o bukas ng umaga.