Dalawang malaking kaganapan ang nakatakdang pangunahan ng Department of Agriculture–Agricultural Training Institute o DA-ATI CALABARZON ngayong Nobyembre 2025, bilang pagkilala at suporta sa makabago at patuloy na umuunlad na industriya ng niyog sa rehiyon.
Unang tampok ang Coco Fiesta 2025, na gaganapin mula Nobyembre 18 hanggang 22 sa ikatlong palapag ng SM City Trece Martires, Cavite. Ang temang “Transforming Communities, Advancing Sustainability: Toward a Modernized Coconut Agriculture and Agribusiness Sector” ay layuning itaguyod ang mga makabagong produkto, teknolohiya, at serbisyo mula sa niyog.
Sa loob ng limang araw, tampok ang mga exhibitor booth ng iba’t ibang coconut-based products mula sa mga magsasaka at kooperatiba ng CALABARZON. Kasama rin dito ang mga forum na tatalakay sa mga paksa tulad ng paggawa ng functional coco-based food products, tamang packaging at branding, food safety standards, at paggamit ng coconut waste sa paggawa ng handicrafts. Layon nitong palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka at publiko sa mga makabagong pamamaraan at oportunidad sa industriya ng niyog.
Kasabay nito, isasagawa rin ang Techno Gabay Program o TGP Summit 2025 mula Nobyembre 19 hanggang 21 sa Cavite State University sa Indang, Cavite. Pinangungunahan ito ng DA-ATI CALABARZON katuwang ang Cavite State University, Provincial Government of Cavite, at STAARRDEC.
Layunin ng summit na pagtibayin ang ugnayan ng mga tagapagpatupad ng programa, ibahagi ang mga pinakamahusay na gawi, at kilalanin ang mga natatanging kontribusyon ng mga magsasaka at FITS Centers sa rehiyon. Itinataguyod din nito ang mga prinsipyo ng United Nations Sustainable Development Goals, kabilang ang pagsugpo sa kahirapan at kagutuman, maayos na kabuhayan, at responsableng paggamit ng likas na yaman.
Bibigyang-parangal din dito ang mga Magsasaka Siyentista at mga lokal na inobador na gumagamit ng digital technology at modernong extension systems para sa mas produktibong agrikultura.
Dadalo sa mga programa ang mga kinatawan ng Coconut Farmers and Industry Development Plan, at inaasahan ding makakasama si Apl.De.Ap, international artist at founder ng Apl.De.Ap Foundation, na kamakailan ay naglunsad ng proyektong layong magtanim ng 100 milyong puno ng niyog.