Isang pastor ng Seventh-day Adventist Church ang sumuko sa pulis matapos patayin ang kanilang treasurer sa Cagayan de Oro.
Ayon sa ulat ng SDA North-Central Mindanao Conference, si Pastor Chosen Gem Abesta, 37, ng Manticao, Misamis Oriental, ay sumuko sa pulisya nitong Biyernes.
Nangyari ang insidente Huwebes ng umaga sa SDA compound, kung saan pinagbabaril ni Abesta si Benjamin Mendez, 65, residente ng Zone 8, Barangay Bulua. Agad namatay si Mendez dahil sa tama ng bala mula sa .45-caliber na baril.
Ayon sa pulisya, posibleng dulot ito ng internal problem matapos ipahayag ni Abesta ang kanyang concerns tungkol sa service benefits sa isang online video. Matapos ang insidente, tumakas ang suspect pero kalaunan ay sumuko sa CIDG-Northern Mindanao.
Sa pahayag ng SDA, mariing kinondena nila ang karahasan at pinanindigan ang kabanalan ng buhay bilang handog ng Diyos. Sinabi rin nila na labis ang kalungkutan ng kanilang komunidad sa pangyayaring ito.