Tinawag na “imposible” nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang mabigat na paratang ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co na inutusan umano siya ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magpasok ng P100 bilyong proyekto sa bicameral conference committee para sa 2025 national budget.
Ayon kay Senator Lacson, na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, walang probative value ang video statement ni Co dahil hindi ito ginawa sa ilalim ng panunumpa.
Aniya, kung seryoso si Co sa kanyang alegasyon, dapat itong harapin ang Senado nang personal, mag-take oath, at ulitin ang kanyang pahayag—dun lamang ito magkakaroon ng bigat sa imbestigasyon.
Dagdag pa ni Lacson, hindi praktikal at walang saysay na si Pangulong Marcos ang magpapasingit ng proyekto sa bicam, dahil kaya na nitong ilagay ang anumang proyekto sa National Expenditure Program o NEP.
Pinaalala rin ng senador na mismong ang Pangulo ang nag-veto ng humigit-kumulang P26 bilyong proyekto sa ilalim ng DPWH.
“Kung gusto mo magpa-insert, bakit mo iva-veto?” ayon kay Lacson.
Samantala, iginiit din ni DPWH Secretary Vince Dizon na imposible ang akusasyon dahil mismong ang Pangulo raw ang nag-utos ng malawakang imbestigasyon sa isyu ng umano’y katiwalian.
Ani Dizon, hindi logical na ang isang taong sangkot ang siya pang magtatayo ng independent commission, magsasabing “lahat ng dapat managot ay mananagot,” at mangangakong may makukulong bago mag-Pasko.
Pinunto rin ni Dizon ang umano’y kakulangan ng kredibilidad ni Co, lalo na’t umalis ito ng bansa kasunod ng pagputok ng kontrobersiya sa flood control projects.
“Habang nagsisimula ang skandalo, siya naman ang lumabas ng Pilipinas—sino ang paniniwalaan natin?” ani Dizon.