Natagpuan ang isang bagong silang na sanggol na iniwan sa ilalim ng Bukal Bridge, Bypass Road sa Barangay Bukal Sur, Candelaria, Quezon pasado alas-11 ng umaga nitong Nobyembre 11.
Ayon sa Candelaria Municipal Police Station, isang concerned citizen ang tumawag upang ireport ang nakitang sanggol sa lugar. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Candelaria PNP kasama ang MDRRMO personnel upang beripikahin ang sumbong.
Sa isinagawang pagsusuri, napag-alamang ang naturang sanggol ay tinatayang isang araw pa lamang mula nang isilang, dahil nakakabit pa ang pusod nito. Pinaniniwalaang itinapon ito ng hindi pa nakikilalang magulang.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga responsable sa pag-abandona sa sanggol, habang nakikipag-ugnayan na rin sa mga kinauukulang ahensya para sa karampatang pangangalaga sa bata. | BChannel news