Dalawa ang nasawi habang isa ang malubhang nasugatan matapos ang pananaksak sa loob ng isang Subdivision, Barangay Sta. Teresita, Sto. Tomas City, Batangas nitong Nobyembre 17, 2025.
Ayon sa Sto. Tomas City Police Station (CCPS), bandang 8:40 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang opisyal ng barangay na nag-ulat ng insidente.
Batay sa imbestigasyon, dakong 5:40 ng hapon nang magtungo sa Barangay Hall ang nagngangalang Joshua upang i-report na nasaksak ang kanyang mga tiyuhin. Agad na nagsagawa ng responde ang mga opisyal ng barangay at nagtungo sa lugar.
Pagdating sa pinangyarihan, tumambad sa mga awtoridad ang tatlong lalaking biktima. Dalawa sa kanila — kinilalang sina Edwin at Leo, ay wala nang buhay at nakahandusay sa kalsada. Ang ikatlong biktima na si Eduardo, 32, construction worker, ay natagpuang sugatan. Siya ay agad na isinugod sa pagamutan sa Lipa City.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na bago maganap ang krimen, ang mga biktima at mga suspek, na kapwa umano nakainom ng alak, ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo. Pareho silang mga construction worker na nagtatrabaho sa loob ng naturang subdivision. Sa kasagsagan ng alitan, humantong ito sa karumal-dumal na pananaksak na ikinasawi ng dalawang biktima at ikinasugat ng isa.
Sa ngayon, habang isinusulat ito ng balisong channel ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang limang suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente na sina Ruel, 25; Michael, 33; Jayson; Garry; at Jericho.
Nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng Sto. Tomas CCPS upang matukoy ang motibo ng pagtatalo at masampahan ng kaso ang mga tumakas na suspek.. | BChannel news