Inaprubahan na ng Senado ang P308.2-bilyong panukalang budget ng Department of the Interior and Local Government para sa 2026. Ito ay matapos ang plenary debates noong Huwebes.
Nagpasalamat si DILG Secretary Jonvic Remulla sa Senado sa patuloy na suporta sa public safety at local governance.
Mula sa orihinal na P285.4-bilyon, tinaas ng Senate Committee on Finance ng halos 8% ang pondo upang mas matulungan ang 283,000 uniformed personnel, palakasin ang operasyon ng PNP, at suportahan ang mga programa ng mga attached agencies.
Kasama sa budget ang pagtatayo ng 65 bagong fire stations at pagbili ng 65 fire trucks para sa BFP. Sa Senate version, pinakamalaking bahagi ang mapupunta sa PNP na P225.8 bilyon, kasunod ang BFP at BJMP.
Nagpasalamat din ang Napolcom matapos kilalanin ng mga senador ang kanilang reporma, kabilang ang pagbaba ng backlog mula 4,000 kaso tungo sa 200. Target nilang matapos ang 25-year backlog pagsapit ng December 2025. | BChannel news