Inaresto ng Lipa Component City Police Station ang isang babae na nang-gulpi at nagtangkang manaksak sa Purok 1, Barangay Latag, Lipa City, Batangas nitong hapon, December 11, 2025.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, naganap ang insidente bandang 10:45 ng umaga. Nasa loob lamang ng kanyang kuwarto ang biktimang si Arian, 25 anyos, residente rin ng Barangay Latag, nang dumating ang suspek na galit na galit. Pinagbintangan umano ng suspek ang biktima na may relasyon sa asawa nito, dahilan para mauwi sa mainit na pagtatalo.
Sa gitna ng sigawan, bigla umanong nanuntok at nanakit ang suspek, dahilan para magtamo ng mga sugat ang biktima. Kumuha pa raw ng kutsilyo ang suspek at tinangkang saksakin ang biktima, pero naawat ito matapos mapigilan at marinig ng mga kapitbahay ang kaguluhan.
Agad dinala ng mga residente ang biktima sa Lipa District Hospital para magpagamot. Mula roon ay nagsumbong siya sa istasyon ng pulisya, na agad namang kumilos at inaresto ang suspek sa parehong barangay.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at nasa kustodiya na ng pulisya si Dine na nahaharap ngayon sa kasong Frustrated Homicide. | BChannel news