Isang lalaki na nagtatrabaho ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos gumuho ang isang pader sa isang construction site sa Barangay Poblacion 4, Tanauan City, Batangas kahapon ng hapon, ika-27 ng Enero 2026.
Bandang alas-4 ng hapon nang mangyari ang insidente habang nagtatrabaho ang dalawang biktima sa naturang gusali.
Ayon sa Police Regional Office 4A, bigla umanong bumagsak ang pader dahil sa malalakas na hangin at natabunan ang mga manggagawa ng mga debris.
Isinugod sa ospital si Manuel ngunit idineklara siyang dead on arrival ng doktor.
Samantala, ang kanyang kasamahan na si Richard ay nagtamo ng pinsala sa ulo at nabigyan ng lunas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at nakapanayam na ang sugatang biktima at iba pang kasamahan sa trabaho. Sa kasalukuyan, nakaburol na ang labi ng nasawi habang nasa stable condition na ang sugatang manggagawa.
Sinusubukan pa kuhanan ng pahayag ng Balisong Channel News ang kompanya na sangkot sa insidente. | BChannel news