Patay ang isang 49-anyos na lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek nitong January 27 ng hapon sa Purok 4, Barangay San Andres, Alaminos, Laguna.
Ayon sa Alaminos Municipal Police Station, bandang alas-5 ng hapon nang ireport ng isang concerned citizen ang pamamaril sa lugar kaya rumesponde ang mga pulis.
Sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang motorsiklo ang biktima at patungo sana sa Maharlika Highway nang bigla siyang lapitan at barilin ng suspek.
Tinamaan sa ulo ang biktima at isinugod sa SPC Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor. Mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Nakarekober sa pinangyarihan ng krimen ng 3 basyo ng bala at apat na sachet ng hinihinalang shabu. Inatasan na rin ang Provincial Forensic Unit ng Laguna upang iproseso ang crime scene.
Patuloy ang dragnet operations at backtracking ng CCTV footage upang matukoy ang suspek gayundin ang motibo sa krimen.
Ang biktima ay kinilalang si Michael, 49-anyos, residente ng Barangay San Felix, Sto. Tomas, Batangas. | BChannel news