Arestado ang isang 65 anyos na lalaki matapos umanong manaksak ng kapwa niya manggagawa sa Sitio As-is, Barangay Kaylaway, Nasugbu, Batangas noong Pebrero 14.
Kinilala ang suspek na si Arnel, pintor at residente ng Camarin, Caloocan City. Ang biktima naman na si Berto, isang mason carpenter, ay residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon ng Nasugbu Police Station, narinig umano ng isang saksi ang sigawan sa loob ng barracks na tinutuluyan ng dalawa. Sinubukan pa niyang awatin ang mga ito ngunit hindi na napigilan ang pananaksak.
Nagtamo ng mga saksak sa mukha at tiyan ang biktima at agad dinala ng Red Cross sa Apacible Memorial District Hospital para malapatan ng lunas.
Naaresto ang suspek sa mismong lugar ng insidente at narekober ang ginamit na kitchen knife. Nasa kustodiya na ito ng Nasugbu Municipal Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya habang inaalam na rin ang motibo ng insidente. | BChannel news