Inaasahang aabot sa 15 hanggang 20,000 atleta at sports officials ang dadalo sa Regional Athletic Association Meet o RAAM 2026 sa Batangas City, bukod pa sa libo-libong spectators at mga magulang na susuporta sa mga kalahok.
Ito ang sinabi ni Batangas City Schools Division Superintendent Dr. Jimmy Panganiban sa panayam ng Balisong Channel sa programang Good Morning Batangas.
Ayon kay Panganiban, malaking karangalan para sa lungsod ang mapiling host ng buong CALABARZON para sa RAAM 2026 dahil naipapakita nito ang kakayahan ng Batangas City sa pagho-host ng malalaking sporting events.
Aniya, makikita sa paghahanda pa lamang ng mga playing venues, athletes’ quarters, at opening program ang matibay na collaboration ng City Government, Department of Education, at iba’t ibang stakeholders.
Dagdag pa niya, halos isang taon ang naging preparasyon ng lungsod matapos itong ianunsyo bilang host noong nakaraang taon. Kabilang sa paghahanda ang pagtiyak sa kahandaan ng mga paaralan at mahigit 40 playing venues na gagamitin para sa iba’t ibang sporting events.
Para naman sa seguridad at kaayusan ng buong palaro, sinabi ni Panganiban na hindi kakayanin ng DepEd lamang ang ganitong kalaking aktibidad kaya’t nakipagtulungan sila sa Batangas City Government, PNP, DRRM Office, at traffic management teams upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, seguridad, at kaligtasan ng lahat ng kalahok at bisita sa lungsod.
Malaki rin aniya ang naging papel ng Local Government Unit ng Batangas City, sa pangunguna ni Mayor Marvey Mariño, Congresswoman Beverley Dimacuha sa paghahanda para sa event. Ginamit din ang pondo mula sa Local School Board at Special Education Fund upang suportahan ang mga kinakailangang pasilidad at logistics para sa RAAM.
Ilan sa mga pangunahing venues na gagamitin ay ang Batangas City Sports Coliseum, Batangas City Grandstand, at iba pang paaralan, kolehiyo, unibersidad, at pribadong institusyon sa lungsod. Ayon kay Panganiban, in-upgrade na rin ang ilang pasilidad tulad ng grandstand at oval upang maging handa sa pagdagsa ng mga atleta at delegasyon.
Bukod sa sports competition, inaasahan ding magbibigay ng malaking tulong sa lokal na ekonomiya ng Batangas City ang RAAM 2026. Ayon kay Panganiban, nakikipag-ugnayan na ang iba’t ibang delegasyon sa mga lokal na pamilihan at establisimyento para sa kanilang pagkain at iba pang pangangailangan, na makatutulong sa mga lokal na negosyante at manininda.
Malaki rin aniya ang oportunidad na mabibigay ng palaro sa mga batang atleta dahil maraming universities at colleges ang nagmamasid sa mga mahuhusay na manlalaro upang bigyan sila ng scholarship. Base sa karanasan sa mga nakaraang palaro, marami sa mga atleta ang agad nakakatanggap ng scholarship offers matapos ang kompetisyon.
Para naman sa updates at resulta ng mga laban, sinabi ni Panganiban na maaaring subaybayan ng publiko ang daily results at medal standings sa pamamagitan ng iba’t ibang DepEd Tayo social media pages, CALABARZON platforms, at mga media partners tulad ng Balisong Channel.
Sa kanyang mensahe sa mga atleta, hinikayat ni Panganiban ang mga kalahok na ipakita ang kanilang pinakamahusay na laro ngunit manatiling kalmado at disiplinado anuman ang maging resulta ng kompetisyon. Samantala, nanawagan din siya sa mga Batangueño na patuloy na magkaisa at suportahan ang RAAM 2026 upang maging matagumpay ang hosting ng lungsod.
Ayon kay Panganiban, kahit hindi pa nagsisimula ang opening ceremony ay unti-unti nang dumarating sa Batangas City ang mga delegasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON, kabilang ang Cavite, Lucena, at Sta. Rosa.
Gaganapin ang RAAM 2026 mula Marso 7 hanggang 14 sa Batangas City. Nakatakda naman ang Opening Parade sa Marso 7, kung saan ang assembly ay alas-12 ng tanghali sa Batangas Provincial Capitol Grounds sa Kumintang Ibaba, habang magsisimula ang parada alas-2 ng hapon.
Sa pamamagitan ng kooperasyon ng pamahalaan, mga paaralan, at ng buong komunidad, naniniwala ang DepEd na magiging matagumpay ang pagho-host ng Batangas City sa RAAM 2026. | BChannel NEWS