Patay ang isang lalaki matapos barilin sa loob ng isang tindahan sa Lucena City, Quezon, Huwebes ng umaga, March 5.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-10:30 ng umaga sa loob ng isang tindahan na matatagpuan sa Enriquez Street, Barangay 4 sa Lucena City.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na magka-relasyon umano ang biktima at ang suspek. Habang nasa loob ng tindahan na pag-aari ng bayaw ng suspek, bigla umanong binaril ng suspek ang biktima sa likod ng ulo.
Kinilala ang biktima na si Jayson, empleyado ng clothing brand, at residente ng Villa San Pablo sa Barangay Ibabang Iyam sa naturang lungsod.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek na kinilalang si Fattah, residente ng Barangay Market View sa Lucena City. Ayon sa pulisya, tumakas umano ito patungo sa direksyon ng Barangay Gulang-Gulang dala ang ginamit na baril.
Pinaniniwalaang revenge o paghihiganti ang posibleng motibo sa krimen, base sa paunang impormasyon ng mga imbestigador.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang agad na matunton at maaresto ang suspek na nananatiling at large.
Kasabay nito, patuloy ring nire-review ng pulisya ang mga CCTV footage sa paligid ng pinangyarihan ng insidente upang makatulong sa pagtukoy sa galaw ng suspek bago at matapos ang krimen. | BChannel News