Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang 800 kilo ng hinihinalang marijuana o “kush” na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P640 milyon sa isang interdiction operation sa Manila International Container Port sa Tondo, Maynila, kaninang madaling araw ng March 7.
Isinagawa ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency, katuwang ang Bureau of Customs at Philippine Coast Guard.
Naaresto sa operasyon ang isang lalaking gumagamit ng alyas na “Manalo,” 44 anyos, residente ng Legazpi City, matapos matagpuan ang mga iligal na droga na nakatago sa shipment packages habang iniinspeksyon sa port.
Natuklasan ng mga awtoridad na nakalagay ang mga ito sa 80 black plastic storage boxes na may mga vacuum-sealed plastic bags ng hinihinalang kush.
Nahuli rin sa suspek ang isang cellphone at identification card.
Haharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang isasailalim sa forensic examination ng PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiskang ebidensya. | BChannel News