Sinimulan na ng First Gen Corporation ang konstruksyon ng kauna-unahan nitong utility-scale solar power project sa Batangas matapos ang groundbreaking ceremony para sa 54-megawatt Inara Solar Power Plant sa Barangay Bilog-bilog, Tanauan City ngayong Miyerkules, ika-11 ng Marso.

Pinangunahan ang seremonya nina Batangas Governor Vilma Santos-Recto, Tanauan City Mayor Sonny Collantes, at First Gen President Francis Giles B. Puno kasama ang iba pang opisyal ng kumpanya at lokal na pamahalaan.
Ayon kay Puno, layunin ng proyekto na mapalawak pa ang paggamit ng renewable energy sa bansa habang nagbibigay ng mas mabilis at mas malinis na supply ng kuryente para sa mga komunidad at industriya.
Saklaw ng proyekto ang humigit-kumulang 36 ektaryang lupain at inaasahang makapagpo-produce ng 54 megawatts na solar energy. May plano rin itong palawakin hanggang 100 megawatts sa hinaharap at posibleng lagyan ng battery energy storage system para mas maging stable ang power supply.

Isa sa mga kakaibang feature ng proyekto ay ang tinatawag na agrivoltaics, kung saan maaaring magtanim ng pananim sa ilalim ng solar panels. Dahil nakataas ng halos isa’t kalahating metro ang mga panel, maaari pa ring gamitin ng mga magsasaka ang lupa para sa agrikultura habang sabay na gumagawa ng kuryente ang mga solar facility.
Bukod sa renewable energy, inaasahang makakatulong din ang proyekto sa pagpapalakas ng serbisyo ng Batangas Electric Cooperative o BATELEC II dahil direktang isasama ang planta sa distribution system nito.
Magbibigay rin ito ng kuryente sa First Philippine Industrial Park sa Tanauan, isang economic zone na may mahigit 150 kumpanya at libo-libong empleyado.
Ayon naman kay Governor Vilma Santos-Recto, malaking tulong ang proyekto sa patuloy na pag-unlad ng Batangas dahil makakatugon ito sa tumataas na pangangailangan sa enerhiya ng mga industriya at kabahayan sa rehiyon ng CALABARZON.

Dagdag pa ng gobernador, mas magiging kaakit-akit din sa mga investor ang Batangas kung mas marami pang renewable energy sources ang available sa lalawigan.
Target ng First Gen na matapos ang konstruksyon ng Inara Solar Power Project bago ang tag-init ng susunod na taon.
Bahagi ito ng mas malawak na plano ng kumpanya na palawakin ang kanilang power generation capacity hanggang 13,000 megawatts pagsapit ng 2030, kung saan malaking bahagi ay manggagaling sa renewable energy tulad ng solar, hydro, geothermal at wind.
Sa kasalukuyan, may kabuuang 1,700 megawatts na kapasidad ang First Gen mula sa iba’t ibang renewable facilities sa buong bansa.
Sinusuportahan ng mga proyektong tulad nito ang layunin ng pamahalaan na pataasin ang bahagi ng renewable energy sa power mix ng Pilipinas sa 35 porsyento pagdating ng 2030 at hanggang 50 porsyento pagsapit ng 2040.
Sa kabuuan, inaasahang hindi lamang makapagbibigay ng mas malinis na enerhiya ang bagong solar project kundi magbubukas din ng mas maraming oportunidad sa trabaho at investment para sa Batangas at sa buong rehiyon. | BChannel News, JayMPamintuan