Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdaragdag ng apat na parcels of land sa First Philippine Industrial Park o FPIP II Special Economic Zone sa Sto. Tomas City, Batangas.
Batay sa Proclamation No. 1206 na nilagdaan noong March 30, ang mga lupang ito na matatagpuan sa Barangay San Rafael ay may kabuuang lawak na 71,982 square meters at opisyal nang isinama sa ecozone alinsunod sa Republic Act 7916 o Special Economic Zone Act.
Ayon sa dokumento, ang expansion ay isinagawa sa rekomendasyon ng Philippine Economic Zone Authority o PEZA, kasama ang mga naunang board resolutions nito, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng industrial capacity ng lugar.
Detalyado sa proklamasyon ang apat na lupa na kinabibilangan ng Lot 2-A na may higit 24,000 square meters, Lot 2-B na may higit 27,000 square meters, at dalawa pang lote na tig-10,000 square meters, na parehong na-survey at naaprubahan nitong 2024.
Ang mga nasabing lupa ay bahagi ng mas malawak na plano ng gobyerno na palakasin ang manufacturing at industrial sector, lalo na sa CALABARZON na kilala bilang isa sa pangunahing economic corridors ng bansa.
Kilala ang FPIP bilang isa sa pinakamalaki at pinaka-progressive na industrial parks sa Pilipinas, na itinatag noong 1996 sa pamamagitan ng partnership ng First Philippine Holdings at Japan’s Sumitomo Corporation.
Sa kasalukuyan, sumasaklaw ito sa mahigit 500 hectares at nagsisilbing tahanan ng iba’t ibang industriya tulad ng aerospace, automotive, electronics, medical devices, consumer goods, at office equipment, na nagbibigay ng libu-libong trabaho sa mga Pilipino.
Sa patuloy na pagpapalawak ng ecozone, inaasahang mas lalakas pa ang kakayahan ng Batangas na makahikayat ng foreign investors at mapanatili ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon. | via JMPamintuan