Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Babae, tiklo sa bentahan ng smuggled na yosi sa Balayan, Batangas

Arestado ang isang 32-anyos na babae matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Brgy. Gimalas, Balayan, Batangas nitong Martes ng hapon.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si “Norilyn,” residente rin ng naturang barangay.

Ayon sa imbestigasyon, nahuli umano ang babae matapos tumanggap ng marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng mga sigarilyo sa isinagawang entrapment operation.

Nakuha mula sa suspek ang buy-bust money, kabilang ang tunay na tig-iisang libong pisong bill at boodle money, pati na rin ang malaking bilang ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na hinihinalang iligal na ibinebenta.

Batay sa ulat ng pulisya, aabot sa mahigit 3 milyong piso ang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo na nakaimbak sa dose-dosenang master cases.

Dinala na sa himpilan ng pulisya sa Balayan ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Internal Revenue o BIR at Bureau of Customs.

Ayon naman sa Batangas Police, patuloy ang kanilang operasyon laban sa umano’y ilegal na kalakalan at smuggling sa lalawigan.