Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo ang isang panukala na magbibigay ng ₱10,000 one-time allowance para sa mga estudyanteng tatapos ng kanilang internship o OJT.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2157 o “Student Internship Allowance Act,” layong tulungan ang mga student interns sa kanilang araw-araw na gastos tulad ng pamasahe at pagkain habang nasa training, lalo na’t marami sa kanila ay walang natatanggap na bayad kahit may ambag sa kumpanya.
Ayon kay Tulfo, makakatulong ang tulong-pinansyal na ito para mabawasan ang pasanin ng mga estudyante at kanilang pamilya, lalo na sa mga nahihirapan sa gastusin. Ibinahagi rin niya na may mga lumalapit sa kanyang programa na humihingi ng tulong habang nasa OJT dahil sa kakulangan ng suporta.
Sakop ng panukala ang mga estudyante mula sa mga pampubliko at pribadong kolehiyo na kinikilala ng CHED, pati na rin ang mga nasa technical-vocational courses na accredited ng TESDA, basta bahagi ng kanilang kurso ang internship o practicum.
Hinikayat naman ng senador ang kanyang kapwa mambabatas na suportahan ang panukala para masigurong may sapat na tulong ang mga student interns habang sila ay naghahanda para sa kanilang mga magiging trabaho.
Matatandaan rin na aprubado na sa Kamara noong January ang kaparehong panukala sa ilalim ng House Bill 2778, na may layuning maibsan ang gastos ng mga estudyante habang sila ay nagsasanay. | BChannel News