Opens in a new tab
Skip to content
Local

Lalaki Patay sa Pamamaril sa Gen. Trias City, Cavite

crime scene do not cross signage

Patay ang isang 32-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa Tropical Village, Barangay San Francisco, Gen. Trias City, Cavite pasado alas-3:22 ng hapon noong Hunyo 24, 2026.

Ayon sa PRO-CALABARZON, nakatanggap ng tawag ang mga tauhan ng Sector 5 mula sa isang barangay tanod bandang 3:59 ng hapon tungkol sa insidente. Rumesponde ang mga pulis at kinumpirma ang pamamaril, kaya’t mabilis na ni-secure ang crime scene at humingi ng tulong sa mga imbestigador.

Sa inisyal na ulat, lumalabas na ang biktima ay galing Dasmariñas City bago ang insidente. Ayon pa sa ulat, posibleng may kinalaman ito sa ilegal na droga, ngunit nilinaw ng pulisya na hindi pa ito kumpirmado at patuloy pang inaalam ang motibo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa tulong ng SOCO, gayundin ang pagkuha ng impormasyon mula sa mga residente at pag-review ng CCTV sa mga kalapit na bahay at establisyimento upang matukoy ang suspek.

Kinilala ang biktima na si “Jomarie,” 32-anyos, residente ng Dasmariñas City, Cavite. Wala pang pagkakakilanlan sa suspek. | BChannel News