Sinuspinde ang lahat ng klase at on-site activities sa Batangas City Integrated High School o BCIHS ngayong June 29 matapos ang iniulat na banta ng pamamaril.
Ayon sa school administration, ipinatupad ang suspension bilang precaution para masigurong ligtas ang mga estudyante, guro, at non-teaching personnel. Pinayuhan rin ang lahat na huwag muna magtungo sa loob ng campus habang umiiral ang suspensyon.
Sa mensaheng ipinadala ng hindi kilalang indibidwal sa DepEd Batangas City Integrated Facebook Page mababasa ang “SAKSAK AT BARIL KO KAYO MGA GRADE 78910 HOLAN NIYO KONG kelan aha.hahaha ako ay Grade 10. Binubully niyo ako ha.” and “Barelan tau bukas, Patay kayo saken.”
Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng paaralan sa mga law enforcement authorities para imbestigahan ang naturang banta at tiyakin ang seguridad ng komunidad.
Hinikayat din ang mga magulang at estudyante na manatiling kalmado, iwasan ang pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon, at umasa lamang sa official announcements ng BCIHS.
Sa ngayon, wala pang tiyak na petsa kung kailan muling magbabalik ang klase, habang hinihintay pa ang resulta ng assessment ng mga awtoridad.