Nais ni Batangas Representative Leandro Legarda Leviste na ipagpatuloy ng Kamara ang imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Sa inihaing House Resolution No. 1169, sinabi ni Leviste na mahalagang maipagpatuloy ang pagdinig upang masuri ang mga posibleng butas sa sistema at makapagpanukala ng mga reporma sa paggastos, procurement, at implementasyon ng mga proyekto.
Iginiit din ng mambabatas na hindi hadlang ang mga kasong nasa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan para magpatuloy ang oversight function ng Kongreso.
Kabilang sa mga maaaring makatulong sa imbestigasyon ang mga dating opisyal ng DPWH, kabilang si dating Secretary Manuel Bonoan, na nakatakdang maging state witness sa mga kaugnay na kaso.
Ayon kay Leviste, layunin ng panukala na mapalakas ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo para sa mga infrastructure project sa bansa.