Sa kabila ng pagiging masigasig sa trabaho, lumabas sa pag-aaral ng Gallup na ang mga Pilipinong empleyado ang may pinakamataas na antas ng stress sa buong Southeast Asia.
Batay sa State of the Global Workplace 2026 Report, umabot sa 50 porsyento ng mga manggagawa sa Pilipinas ang nagsabing nakaranas sila ng matinding stress. Mas mataas ito kumpara sa 25 porsyentong regional average at 40 porsyentong global average.
Mas kapansin-pansin ito dahil bumababa na ang antas ng stress sa ilang kalapit-bansa. Sa Vietnam, bumagsak ito mula 35 porsyento noong 2021 hanggang 13 porsyento noong 2025, habang sa Thailand ay mula 41 porsyento hanggang 25 porsyento. Nasa ibaba rin ng regional average ang Malaysia, Indonesia, at Laos.
Bukod sa stress, nanguna rin ang Pilipinas sa daily sadness na 31 porsyento at anger na 29 porsyento, habang 34 porsyento lamang ng mga manggagawa ang nagsabing maayos ang kanilang kalagayan sa buhay.
Gayunman, isa ring kakaibang resulta ng pag-aaral ay ang mataas na antas ng work engagement ng mga Pilipino. Umabot ito sa 39 porsyento, mas mataas kaysa 25 porsyentong average sa Southeast Asia at 20 porsyentong global average.
Ayon sa Gallup, nagpapakita ito na kahit nakararanas ng mataas na stress, nananatiling masipag, motivated, at positibo sa trabaho ang maraming manggagawang Pilipino.