Dagdag trabaho at bagong industriya ng renewable energy ang inaasahang hatid ng isang P3.34-bilyong Australian-backed solar manufacturing project na ngayon ay pormal nang nakarehistro sa Philippine Economic Zone Authority o PEZA sa Sto. Tomas City, Batangas.
Ang proyekto ng Philippine Aurion Solar Technologies Inc., na matatagpuan sa First Philippine Industrial Park-Special Economic Zone o FPIP-SEZ, ay nakatuon sa paggawa ng solar wafers, solar cells, photovoltaic modules, inverters, solar mounting systems, at battery energy storage systems o BESS.

Ayon sa PEZA, operational na ang pasilidad matapos itong maitatag noong Setyembre 2025 bilang export enterprise. Sa ngayon, mahigit 400 lokal na propesyonal at technical workers na ang na-recruit at nasanay para sa operasyon ng planta.

Ayon pa sa PEZA, inaasahang makalilikha ang proyekto ng humigit-kumulang 508 direktang trabaho, kasabay ng pagdadala ng bagong teknolohiya at karagdagang kasanayan para sa lokal na manggagawa.
Pormal na nilagdaan nitong July 7, 2026 nina PEZA Director General Tereso O. Panga at Philippine Aurion Solar Technologies Inc. President Samuel Yang ang registration agreement ng proyekto.
Habang lumalaki ang demand para sa renewable energy, itinuturing ang Batangas bilang isa sa mga lugar na maaaring makinabang sa pagpasok ng mga kumpanyang gumagawa ng solar technology, na posibleng magbukas pa ng karagdagang investment at employment opportunities sa mga susunod na taon. | JPamintuan, BChannel News | 📸 Philippine Economic Zone Authority