Opens in a new tab
Skip to content
News

Kalagayan ng mga rider at online workers, pagtutuunan ng DOLE

Nais ng Department of Labor and Employment o DOLE na magkaroon ng mas malinaw na larawan ng kalagayan ng mga rider, delivery worker, online freelancer, at iba pang platform workers sa bansa.

Sa pagpupulong ng National Tripartite Industrial Peace Council sa Quezon City, sinabi ni DOLE Secretary Francis Tolentino na wala pang kumpletong datos kung gaano kalaki ang ambag ng tinatawag na gig economy sa ekonomiya ng Pilipinas.

Batay sa ilang tala, umabot umano sa ₱2.74 trilyon ang halaga ng gig economy noong 2025, katumbas ng 9.8 porsyento ng gross domestic product o GDP. Tinatayang nasa 10.39 milyong trabaho rin ang konektado rito, o halos 21.2 porsyento ng kabuuang employment sa bansa.

Dahil dito, pinag-aaralan ng DOLE na hiwalay nang itala at suriin ang sektor ng mga platform worker upang makita ang kanilang aktuwal na kontribusyon at mga pangangailangan sa trabaho.

Kasabay nito, bumuo rin ng hakbang ang konseho para repasuhin ang mga umiiral na batas at programa para sa sektor. Suportado rin nito ang pagratipika ng ILO Convention No. 193, isang kasunduang naglalayong palakasin ang proteksyon para sa mga manggagawang umaasa sa mga digital platform at online application para sa kanilang kabuhayan.