Mula sa isang planta sa Tanauan City, Batangas, libo-libong maliliit na electronic components ang ginagawa araw-araw at ginagamit sa mga cellphone, laptop, sasakyan, medical equipment, wearable devices, at 5G technology sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ito ang ipinakita ng Philippine Manufacturing Co. of Murata Incorporated, o PMM, sa ginanap nitong media briefing sa First Philippine Industrial Park sa Barangay Pantay Bata, Tanauan City.
Ang kumpanya, na nagsimula sa Pilipinas noong 2011 at nagbukas ng commercial operations noong 2013, ay kasalukuyang may 4,926 empleyado. Gumagawa ito ng Multilayer Ceramic Capacitors o MLCC, isang maliit na piyesa na mahalagang bahagi ng halos lahat ng modernong electronic devices.
Bahagi ang PMM ng Murata Manufacturing Company Limited ng Kyoto, Japan, na itinatag noong 1944 at may operasyon sa mahigit 30 bansa. Ayon sa kumpanya, nasa 40 porsiyento ng pandaigdigang merkado ng MLCC ang hawak ng Murata, dahilan upang maituring itong isa sa pinakamalalaking producer ng naturang electronic component sa buong mundo.
Bukod sa produksyon, binigyang-diin din ng kumpanya ang malaking papel ng Batangas facility sa paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng manufacturing industry sa rehiyon. Tampok din sa pasilidad ang wellness clinic, training centers, cafeteria, safety center, event halls, at iba pang programang nakatuon sa kapakanan ng mga empleyado.
Ipinakita rin ng Murata ang mga community programs nito sa larangan ng edukasyon, kultura, environmental protection, at youth development bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.
Sa mga nakalipas na taon, tumanggap ang kumpanya ng iba’t ibang pagkilala kabilang ang Outstanding Employer Award, Outstanding Exporter Award, Outstanding Community Project Award mula sa PEZA, pati na rin ang mga parangal mula sa HR Asia, Asia CEO Awards, at DENR-Environmental Management Bureau.
Habang patuloy ang paglago ng demand para sa electronics sa buong mundo, nananatiling mahalagang bahagi ng global supply chain ang planta ng Murata sa Tanauan City, Batangas, na gumagawa ng mga piyesang ginagamit sa mga teknolohiyang araw-araw na ginagamit ng milyun-milyong tao. | via JPamintuan, BChannel News