Opens in a new tab
Skip to content
International

Senado, nagbigay-pugay kay Alex Eala matapos ang makasaysayang Kampeonato

Nagkaisang aprubahan ng Senado ang isang resolusyon na nagbibigay-pugay kay Alex Eala matapos niyang maging kauna-unahang Pilipinong nagkampeon sa isang Women’s Tennis Association o WTA Tour-level singles tournament.

Sa pamamagitan ng Proposed Senate Resolution No. 554, kinilala ng mga senador ang tagumpay ni Eala sa 2026 Mubadala DC Open, kung saan tinalo niya ang ilan sa mga pinakamalalaking pangalan sa world tennis kabilang sina Naomi Osaka, Elina Svitolina, Leylah Fernandez, at Jessica Pegula.

Ayon sa mga senador, ang tagumpay ni Eala ay patunay ng kanyang disiplina, tiyaga, at mahabang panahon ng pagsasanay. Binanggit din na nagsimula siyang maglaro ng tennis sa murang edad bago ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay sa Rafael Nadal Academy sa Spain.

Bukod sa pagbibigay-pugay, nanawagan din ang ilang senador para sa mas malawak na suporta sa mga atletang Pilipino. Ayon sa kanila, dapat mas palakasin ang mga programa at pondo para sa sports upang mas marami pang kabataan ang magkaroon ng pagkakataong maabot ang tagumpay sa international competitions.

Giit ng Senado, ang panalo ni Eala ay hindi lamang tagumpay ng isang atleta kundi inspirasyon din para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipinong nangangarap na makilala sa world stage.