Magkakaroon pa ng panibagong pagkakataon si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na humarap sa National Bureau of Investigation o NBI kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y “honey trap” o character assassination plot na sinasabing may kaugnayan kay Executive Secretary Ralph Recto.
Hindi dumalo si Leviste sa itinakdang pagharap nitong Agosto 6, kahit kabilang siya sa mga pinadalhan ng subpoena bilang bahagi ng fact-finding investigation ng NBI. Sa halip, nagpadala ang kanyang mga abogado ng liham na humihiling ng karagdagang impormasyon tungkol sa kaso upang makapaghanda umano sa pagtatanong.
Ayon kay NBI-NCR Director Emeterio Dongallo Jr., inilipat na lamang sa Agosto 11 ang pagharap ng kongresista, kasabay ng nakatakdang pagdalo ni dating kongresista Jing Paras, dahil na rin sa suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno bunsod ng masamang panahon.
Nilinaw naman ng NBI na hindi pa respondent si Leviste at nananatili pa lamang siyang resource person habang nasa yugto pa ng case buildup ang imbestigasyon. Aniya, layunin ng pagpapatawag na marinig ang kanyang panig bilang bahagi ng due process.
Sinabi rin ng ahensya na magpapatuloy ang imbestigasyon kahit hindi makadalo ang mga inimbitahan sa bagong iskedyul. Samantala, muling iginiit ng NBI na hindi maaaring ilabas ang mga dokumentong kaugnay ng kaso habang nagpapatuloy ang kanilang pagsisiyasat upang hindi makompromiso ang imbestigasyon at ang mga taong sangkot sa usapin.