Opens in a new tab
Skip to content
National

Habagat Patuloy na Pinalalakas ng mga Weather System sa Labas ng PAR

Patuloy na minomonitor ng PAGASA ang tatlong weather systems habang nagpapatuloy ang malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa dahil sa Habagat.

Sa pinakahuling tala, ang dating LPA ay isa nang Tropical Depression na nasa humigit-kumulang 3,035 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging 45 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 55 kilometers per hour.

Samantala, ang isa pang LPA na nasa 1,760 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon ay may mataas na posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Binabantayan din ang Typhoon Dolphin, na nasa 825 kilometro hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging 150 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 185 kilometers per hour habang patuloy na kumikilos pa-kanlurang timog-kanluran.

Habang wala pang direktang epekto sa bansa ang mga nasabing weather systems, patuloy namang nagpapabuhos ng ulan ang Habagat sa maraming bahagi ng Luzon. Kabilang sa mga inaasahang makakaranas ng pinakamalalakas na pag-ulan hanggang mga susunod na araw ang Zambales, Bataan, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Occidental Mindoro, habang apektado rin ang Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Pampanga, Bulacan, Tarlac, Nueva Ecija, at iba pang kalapit na lalawigan.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na madaling bahain at gumuho ang lupa na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan.