Opens in a new tab
Skip to content
Local

2 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa isang resort sa Maragondon, Cavite

Patay ang isang pulis at isang sibilyan habang sugatan ang isa pang pulis matapos ang pamamaril sa isang resort sa Maragondon, Cavite bandang 1:30 ng madaling araw ng Miyerkules, August 12, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Cavite Police Provincial Office, nangyari ang insidente habang paalis na umano ang mga sangkot sa resort nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa parking area na nauwi sa pamamaril.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Police Corporal Rolando Periodico Jr., 35 anyos, na nakatalaga sa Trece Martires Component City Police Station. Kaagad siyang inaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng Maragondon Municipal Police Station.

Sa imbestigasyon, narekober ang dalawang 9mm pistol, kabilang ang isang Glock 17 na nakatalaga sa suspek at isang Pietro Beretta na nakatalaga naman sa isa sa mga pulis na sangkot sa insidente. Isinailalim na rin sa forensic examination ang crime scene para sa karagdagang ebidensya.

Bilang agarang hakbang, inalis muna sa puwesto ang hepe ng Maragondon Police Station at inilagay sa Cavite Personnel Holding and Accounting Section o PHAS habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay Cavite Provincial Director PCOL Ariel R. Red, seryosong tinatrato ng pulisya ang kaso lalo na’t may mga police personnel na sangkot. Aniya, paiiralin ang due process at susundin ang lahat ng legal na hakbang upang matukoy ang buong detalye ng insidente.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lahat ng pangyayari at pananagutan ng mga sangkot sa pamamaril sa Maragondon, Cavite.