Isinusulong sa Senado ang isang panukalang batas na naglalayong pababain ang singil sa regular na text at tawag, habang binibigyan ng mas malawak na proteksyon ang mga gumagamit ng prepaid load.
Sa ilalim ng panukalang SULIT Load Act ni Senador Loren Legarda, rerepasuhin ng mga kinauukulang ahensya ang kasalukuyang presyo ng prepaid services upang matiyak na naaayon ito sa kasalukuyang teknolohiya at paggamit ng mga consumer.
Habang wala pang pinal na pagsusuri, iminungkahi sa panukala ang maximum na singil na 50 sentimo kada text, P2 kada minutong tawag sa mobile, at P3 kada minutong tawag mula mobile papuntang landline.
Nakasaad din sa panukala na hindi dapat mag-expire ang biniling regular load hangga’t aktibo ang account ng subscriber. Layunin din nitong gawing mas malinaw ang impormasyon tungkol sa mga promo, kabilang ang aktwal na gastos sa data, tawag, at text.
Kasama rin sa panukala ang mga hakbang laban sa hindi inaasahang bawas-load, mas madaling refund para sa maling singil, at mas murang paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga bangko, ospital, airline, utility companies, at mga tanggapan ng gobyerno gamit ang mobile phone.
Sa ngayon, nakabinbin pa sa Senado ang naturang panukala para sa karagdagang pagtalakay. | BChannel News