Nasawi ang isang 2-anyos na bata matapos matagpuang walang malay sa ilog sa Sitio Eduardson, Barangay Santa Clara, Batangas City, nitong Martes, Agosto 18, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Batangas City Police, bandang 11:00 AM nang makita ng ina ang kanyang anak sa ilog na nasa harap ng kanilang bahay. Ayon sa ina, hindi niya napansin na nakalabas ang bata habang umuulan at sa kasagsagan ng hanging habagat.
Agad itong dinala sa Hospital para sa medical treatment, ngunit idineklarang patay bandang 12:15 PM.
Kinilala ang biktima na si “Krishna,” isang 2-anyos na residente ng Barangay Santa Clara.
Ayon sa isang barangay official, nasa trabaho ang ama ng bata nang mangyari ang insidente at saka lamang nito nalaman ang nangyari pag-uwi. Napag-alaman rin na bagong panganak lang ang ina ng biktima.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang at guardians na bantayang mabuti ang mga bata, lalo na kapag umuulan at malapit sa ilog o iba pang lugar na maaaring pagmulan ng aksidente.