Isang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin sa loob ng isang bottle-cleaning area sa NIA Road, Centennial Homes, Barangay Pulo, Cabuyao City, Laguna, nitong gabi ng Agosto 21, 2026.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Cabuyao City Police Station, bandang alas-8:45 ng gabi nang lumapit ang hindi pa nakikilalang biktima sa isang saksi na nasa loob ng bottle-cleaning area. Tinanong umano ng biktima kung saan maaaring makabili ng soft drinks.
Matapos ang maikling pag-uusap, umalis ang biktima. Makalipas lamang ang ilang minuto, nakarinig ang saksi ng putok ng baril mula sa labas.
Bumalik ang biktima sa bottle-cleaning area, ngunit sinundan umano ito ng isang lalaki na agad siyang binaril. Matapos ang unang putok, nilapitan pa umano ng suspek ang biktima at muling nagpaputok bago mabilis na tumakas patungong Cabuyao Proper.
Isinugod ang biktima sa Cabuyao City Hospital para sa agarang lunas, ngunit idineklarang dead on arrival bandang alas-9:15 ng gabi.
Hindi pa nakikilala ang biktima. Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng suspek.
Batay sa paunang impormasyon, ang suspek ay nakasuot ng dilaw na helmet at itim na jacket. BChannel news