Isang bagong panganak na babaeng sanggol ang natagpuang mag-isa sa ibabaw ng septic tank sa Purok Sampaguita, Barangay Mandaragat, Puerto Princesa City, pasado alas-7 ng umaga ngayong Agosto 24.
Ayon sa ulat, napansin ng dating barangay kagawad ang sanggol habang dumaraan sa lugar at agad humingi ng tulong sa barangay.
Kaagad namang dinala ang bata sa Ospital ng Palawan para sa pagsusuri at kinakailangang atensiyong medikal.
Sa ngayon, maayos ang kalagayan ng sanggol, habang patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang ina nito at kung ano ang dahilan kung bakit iniwan ang bagong silang na sanggol sa naturang lugar.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng barangay sa mga kinauukulang awtoridad para sa kapakanan at proteksyon ng bata.