Patay ang isang 40-anyos na construction worker matapos saksakin nang dalawang beses sa Barangay San Isidro, Cainta, Rizal. Apat na lalaki ang naaresto, habang ang suspek na itinuturong direktang nanaksak ay nakatakas at patuloy na hinahanap ng pulisya.
Naganap ang insidente bandang alas-11:30 ng gabi noong September 2 sa Compton Street, Brookside Subdivision, habang nag-iinuman umano ang biktima at mga suspek.
Batay sa police investigation, nagsimula ang gulo matapos ang pagtatalo ng biktima at ng suspek na si Ivan. Ayon sa mga awtoridad, kumuha umano ito ng kutsilyo at sinaksak ang biktima sa upper abdomen.
Isinugod ang biktima sa Hospital, pero idineklarang patay bandang alas-1:19 ng madaling araw.
Samantala, apat na lalaking kasama umano ng pangunahing suspek ang naaresto matapos humingi ng tulong ang mga saksi sa Barangay Public Safety Officers. Dinala sila sa Cainta Municipal Police Station bandang alas-3:50 ng madaling araw para sa kaukulang proseso.
Hindi pa rin narekober ang kutsilyong sinasabing ginamit sa krimen. Patuloy naman ang follow-up operation ng Cainta Police para sa posibleng pagkakaaresto sa suspek na nananatiling at large, habang inihahanda ang mga kaso laban sa apat na naarestong suspek.