Makapal na itim na usok ang napansin mula sa isang passenger/cargo vessel habang naglalayag sa karagatan malapit sa Balahibong Manok, Tingloy, Batangas.
Agad rumesponde ang Philippine Coast Guard matapos i-report ang insidente bandang alas-10:43 ng gabi noong September 20, 2026. Nasa 1.8 nautical miles mula sa Balahibong Manok ang lokasyon ng vessel.
Mula Batangas Port, patungo sana sa Abra de Ilog ang barko. Sakay nito ang 30 crew members at 16 oil tanker trucks.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente at agad ding na-control ang usok gamit ang emergency procedures ng vessel.
Sa initial inspection ng Coast Guard Sub-Station Tingloy Search and Rescue Team, sinabi ng vessel Master na posibleng nag-overflow ang main engine service tank.
Dahil dito, sinasabing may diesel fuel na nakalabas sa breather pipe, na naging dahilan ng makapal na itim na usok.
Matapos ang insidente, isinailalim sa towing ang vessel gamit ang company tugboat para ligtas na makabalik sa Batangas Port.
Bandang alas-5 ng umaga noong September 21, ligtas nang nakarating sa port ang vessel, kasama ang crew at mga oil tanker trucks.
Isasagawa naman ang karagdagang inspection at repairs sa vessel. Patuloy ding iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard ang nangyari at makikipag-ugnayan sa mga concerned authorities para sa kaukulang aksyon.