Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS sa posibleng tsunami na aabot sa 5.5 meters ang taas sakaling magkaroon ng magnitude 8.3 earthquake sa Manila Trench.
Sa press conference nitong October 13 sa Quezon City, sinabi ni DOST-PHIVOLCS Deputy Director Dr. Ma. Mylene M. Villegas na 66 sa kabuuang 82 probinsya sa Pilipinas ang nanganganib sa mapaminsalang epekto ng tsunami, kabilang ang Batangas.

Kabilang sa mga probinsyang ito ang Agusan del Norte, Aklan, Albay, Antique, Aurora, Basilan, Bataan, Batangas, Batanes, Biliran, Bohol, Bulacan, Cagayan, Camarines Norte, Camarines Sur, Camiguin, Capiz, Catanduanes, Cavite, Cebu, Davao de Oro o dating Compostela Valley, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Occidental, Davao Oriental, Dinagat Islands, Eastern Samar, Guimaras, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Iloilo, Isabela, La Union, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Leyte, Maguindanao del Norte, Marinduque, Masbate, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Negros Occidental, Negros Oriental, Northern Samar, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Pampanga, Pangasinan, Quezon, Romblon, Samar, Sarangani, Siquijor, Sorsogon, South Cotabato, Southern Leyte, Sulu, Sultan Kudarat, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Tawi-Tawi, Zambales, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibugay.
Sa Metro Manila, tinukoy naman ang Valenzuela, Navotas, Malabon, Pasay, Las Piñas, Parañaque at Manila bilang mga lungsod na posibleng maapektuhan. Ayon kay Office of Civil Defense-NCR Director George Keyser, maaari ring maapektuhan ang Makati dahil sa Pasig River corridor.

Ipinaliwanag ni Villegas na ang paggalaw sa Manila Trench ay maaaring magdulot ng tsunami, habang ang West Valley Fault naman ay maaaring pagmulan ng magnitude 7.2 earthquake na posibleng magdulot ng malaking pinsala sa mga apektadong lugar at karatig-komunidad. Ito ang isa sa mga posibleng senaryo para sa tinatawag na “Big One.”
Batay sa kanilang modeling, ang magnitude 7.2 earthquake mula sa Valley Fault ay maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa mga apektadong lugar at karatig-komunidad.
Ayon sa PHIVOLCS, may dalawang uri ng tsunami na dapat paghandaan: ang local tsunami na nagmumula sa lindol sa mga trench sa loob o malapit sa bansa, gaya ng Manila Trench, Philippine Trench at Cotabato Trench; at ang tsunami na dulot ng mga lindol sa Pacific Ocean na maaaring makaapekto sa silangang baybayin ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng ahensya na mahalagang kilalanin ang mga natural warning signs ng tsunami. Kabilang dito ang malakas na lindol, biglaang pag-atras ng tubig-dagat at malakas na ugong na nagmumula sa karagatan.
Maaaring dumating ang tsunami sa loob lamang ng lima hanggang 20 minuto matapos ang lindol. Mas mabilis din itong makarating kung ang pinagmulan ay malapit sa lugar na maaapektuhan.

Kaya naman, pinapayuhan ang publiko na huwag hintaying magkaroon ng opisyal na babala kung nakaranas ng malakas na lindol sa baybayin o nakakita ng mga natural warning signs. Agad na lumayo sa dalampasigan at pumunta sa mas mataas at ligtas na lugar, kasunod ng mga tagubilin ng lokal na awtoridad.
Sa naturang press conference, tinalakay rin ng PHIVOLCS, Office of Civil Defense-NCR, Philippine Information Agency-NCR, DOST-Science and Technology Information Institute at ARISE Philippines ang mga hakbang para palakasin ang kahandaan ng mga komunidad, kabilang ang malinaw na pagbibigay ng impormasyon, evacuation planning at koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Bilang bahagi ng paggunita sa 2026 World Tsunami Awareness Day sa November 5, inanunsyo rin ang advocacy run na “Tsunami! Run for Safety: Shake, Drop, or Roar? Move away from the Shore!” na gaganapin sa October 24, alas-singko ng umaga sa SM Mall of Asia sa Pasay City.

Paalala ng PHIVOLCS, mahalagang maging handa ang mga komunidad sa baybayin dahil ang maagap na paglikas ay maaaring makapagsalba ng buhay kapag may banta ng tsunami.