Mas kaunti na ang kayang bilhin ng bawat piso sa CALABARZON, kasabay ng patuloy na pagmahal ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA CALABARZON, bumilis sa 7.2 percent ang inflation noong Setyembre 2026, mula sa 5.6 percent noong Agosto at 2.4 percent sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Nasa 5.3 percent naman ang average inflation mula Enero hanggang Setyembre.
Isa sa mga kapansin-pansing pagtaas ang presyo ng bigas, na nagtala ng 15.4 percent inflation, habang 13.3 percent naman sa mais at 11 percent sa prutas at mani. Tumaas din ang presyo ng mga gulay at kaugnay na produkto sa 7.5 percent matapos itong bumaba noong Agosto.
Bukod sa pagkain, nakadagdag din sa inflation ang gastusin sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel, na may 10.3 percent inflation.
Sa anim na lugar sa rehiyon, Laguna ang may pinakamataas na inflation sa 8.2 percent, kasunod ang Rizal sa 8.1 percent. Nagtala naman ang Quezon ng 7.3 percent, Cavite ng 6.5 percent, Batangas ng 5.6 percent at Lucena City ng 5.7 percent. Lahat ng lugar ay nakapagtala ng pagtaas kumpara noong Agosto.
Sa ulat na inilahad ni PSA CALABARZON officer-in-charge Charity O. Bautista nitong October 12, sinabi ring umabot na lamang sa 72 sentimo ang purchasing power ng piso, batay sa halaga nito noong 2018.