Asahan na ang dagdag-gastos ng mga motorista sa Cavitex R1 Extension, mula Zapote, Las Piñas hanggang Kawit, Cavite, simula Miyerkules, October 28.
Inaprubahan ng Toll Regulatory Board o TRB ang second at final tranche ng toll adjustment na hiniling ng Cavitex Infrastructure Corporation at Philippine Reclamation Authority.
Mula 88 pesos, magiging 103 pesos na ang toll para sa Class 1 vehicles. Ang Class 2 ay tataas mula 176 pesos hanggang 207 pesos, habang ang Class 3 ay mula 264 pesos hanggang 310 pesos.
Para naman maibsan ang dagdag-gastos, ibabalik ang ABANTE toll rebate program para sa accredited jeepneys, modernized jeepneys, UV Express at buses sa loob ng 60 days. Mananatili rin hanggang November 30, 2026 ang rebate para sa mga truck na may dalang agricultural products at accredited ng Department of Agriculture.
Tanging mga motorista na papunta at galing Kawit ang apektado. Mananatili namang pareho ang toll rates sa ibang operational segments ng MCTEP.