Apat na lalaki ang inaresto sa isang entrapment o buy-bust operation dahil sa umano’y ilegal na bentahan at paglilipat ng petroleum products sa Barangay Sta. Maria, Bauan, Batangas, alas-4:30 ng madaling araw noong October 27, 2026.
Kinilala ang mga suspek na sina Christian, Julius, Paul, at Jay-R. Nahaharap sila sa kasong may kaugnayan sa ilegal na kalakalan ng petroleum products.
Ayon sa Bauan Municipal Police Station o MPS, nakatanggap sila ng tawag alas-8 ng umaga noong October 26 hinggil sa umano’y ilegal na pagsipsip at paglilipat ng produktong petrolyo sa naturang barangay.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang Provincial Intelligence Unit ng Batangas Police Provincial Office, Bauan MPS, at MARPSTA Batangas.
Naabutan umano ang apat na suspek habang inililipat ang diesel mula sa isang motorized outrigger boat o bangka patungo sa isang L200 FB van, matapos ang napagkasunduang transaksiyon.
Sa paunang beripikasyon ng mga awtoridad, hindi nakapagpakita ang mga suspek ng mga dokumentong magpapatunay na awtorisado ang paglilipat ng diesel.
Kabilang sa mga nakumpiska ang dalawang plastic container na may tig-10 litro ng diesel at isang 20-litro na container, na may tinatayang halagang tig-2,000 piso. Ang mga ito ay binili mula sa mga suspek bilang bahagi ng operasyon.
Nakumpiska rin ang isang 1,000-litro na intermediate bulk container o IBC tote na may diesel na nagkakahalaga ng tinatayang 90,000 piso, isang puting L200 FB van na may plakang TEV 382 na nagkakahalaga ng 1 milyon at 31,000 piso, at isang asul na motorized outrigger boat na nagkakahalaga ng 250,000 piso.
Nakuha rin ang isang 50-meter siphoning hose, electric submersible pump, electric cord, at apat na tig-1,000-pisong perang ginamit sa operasyon—isang tunay na perang papel at tatlong boodle money.
Aabot sa 1 milyon at 275,000 piso ang kabuuang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang produktong petrolyo, van, at bangka, hindi pa kasama ang halaga ng mga kagamitang pangsipsip ng diesel.
Nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek para sa dokumentasyon at kaukulang proseso, habang ang bangka ay inilagay sa kustodiya ng Barangay Sta. Maria.
Inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor. Patuloy din ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan at legal na pagmamay-ari ng diesel, gayundin ang awtorisasyon sa paglilipat nito.