Opens in a new tab
Skip to content
Local

Security Guard, nasawi sa pamamaril sa holdap sa Morong, Rizal

Patay ang isang 29-anyos na security guard matapos barilin sa ulo ng isa sa dalawang holdaper sa isang convenience store sa Barangay Maybancal, Morong, Rizal, madaling-araw nitong November 3, 2026.

Kinilala ang biktima na si Venz Alang, empleyado ng 7-Eleven sa lugar.

Batay sa initial investigation ng Morong Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-4:35 ng madaling-araw sa 7-11 Sagbat. Pumasok sa tindahan ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki at nagdeklara ng holdap, saka tinangay ang tinatayang limang libong piso.

Nang mapansin ng isa sa mga suspek na mino-monitor sila ng security guard gamit ang CCTV cameras, nilapitan nito ang biktima at binaril sa ulo gamit ang hinihinalang kalibre .45 na baril.

Agad na tumakas ang dalawang suspek sakay ng hindi pa natutukoy na itim na motorcycle, patungo sa direksyon ng Tanay at Teresa, Rizal.

Nagsasagawa na ng dragnet operation ang pulisya, habang kinukuha rin ang CCTV footage at nagsasagawa ng crime scene investigation upang matukoy at maaresto ang mga suspek.

Ayon sa ulat, natanggap ng pulisya ang report bandang alas-5:20 ng umaga.