May alternatibong paraan na ng komunikasyon ang 34 na local government units o LGUs sa Batangas sakaling mawalan ng signal o maantala ang regular na communication networks sa panahon ng kalamidad.
Ito ay matapos mamahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng handheld radio equipment sa mga City at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices, gayundin sa Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection.
Bahagi ito ng Provincial Radio Communication Network na layong mapabilis ang pag-uulat ng mga insidente at koordinasyon ng mga emergency responders.
Kabilang sa mga lokasyon ng radio repeater stations ang Provincial Sports Complex, Mataasnakahoy, Nasugbu, San Luis at Isla Verde sa Batangas City upang mapalawak ang saklaw ng radio signals.
Kasabay nito, ipinakilala rin ang Multi-Hazard Impact-Based Monitoring, Forecasting and Early Warning System o MHEWS na magbibigay sa 34 na LGU ng access sa aktuwal na lagay ng panahon, weather forecasts, hazard information at localized early warnings.
Pinangunahan ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, sa pamumuno ni OIC Fe Fernandez, ang pagpapakilala at demonstration ng online system sa ilalim ng administrasyon ni Governor Vilma Santos-Recto.
Target ng dalawang programa na mapabilis ang pagbibigay ng babala at pagtugon sa emergency upang mabawasan ang panganib sa buhay at ari-arian ng mga Batangueño.