Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga private employers na tiyaking matatanggap ng mga kwalipikadong empleyado ang kanilang 13th month pay sa tamang panahon.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 21, Series of 2026, sakop nito ang lahat ng rank-and-file employees sa private sector, anuman ang employment status, posisyon o paraan ng pagtanggap ng sahod, basta nakapagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa loob ng 2026.
Kabilang dito ang mga piece-rate workers, commission-based employees na may fixed o guaranteed salary, mga manggagawang may higit sa isang employer, gayundin ang mga nag-resign o natanggal sa trabaho. Kasama rin ang mga nag-avail ng maternity leave na nakatanggap ng salary differential.
Katumbas ng one-twelfth o 1/12 ng kabuuang basic salary na kinita sa buong taon ang minimum na 13th month pay. Para sa piece-rate workers, production earnings ang magiging basehan, habang hindi isasama ang commissions kung hindi ito bahagi ng basic salary.
Halimbawa, ang empleyadong may annual basic salary na ₱228,010.04 ay makatatanggap ng ₱19,000.84. Ang piece-rate worker na kumita ng ₱120,000 ay may ₱10,000 na 13th month pay. Samantala, ang may ₱235,560.04 na basic salary ay may ₱19,630, hindi kasama ang ₱30,000 na commissions.
May karapatan din sa proportionate 13th month pay ang mga nag-resign bago matapos ang taon. Halimbawa, ang kumita ng ₱177,236.28 bago mag-resign noong September ay entitled sa ₱14,769.69.
Itinakda ng DOLE ang December 24, 2026 bilang huling araw ng pagbabayad. Babantayan naman ng mga DOLE regional, field at provincial offices ang pagsunod ng mga employer sa nasabing guidelines.