Kapeng Barako, Balisong, Lomi, Tawilis at Maliputo, ilan lamang iyan sa mga kilalang produkto at simbolo ng Batangas na tampok sa bagong logo ng Ala E! Festival.
Opisyal itong inilabas ni Governor Vilma Santos-Recto, kasabay ng pagdaraos ng CALABARZON Cacao and Coffee Congress nitong November 12 sa Batangas Province Event Center sa Batangas City, bilang bahagi ng pagpapakita ng natatanging kultura at pagkakakilanlan ng mga Batangueño.
Bawat letra sa bagong logo ay may katumbas na simbolo. Kinakatawan ng Kapeng Barako ang tapang at tibay ng mga Batangueño, habang ang Taal Basilica ay sumasalamin sa kanilang pananampalataya.
Itinatampok naman ng Balisong ang husay ng mga lokal na manggagawa, samantalang ang Tawilis at Maliputo ay kumikilala sa yamang-tubig ng Taal Lake. Kasama rin ang Lomi bilang bahagi ng ipinagmamalaking pagkaing Batangas.
Hindi rin nakalimutan ang mga diving destination, yamang-dagat at baybayin ng lalawigan.
Nagbalik ang Ala E! Festival noong 2025 matapos ang 10 taong paghinto. Ayon kay Governor Santos-Recto, layunin nitong higit pang palakasin ang turismo sa Batangas at buong CALABARZON.
Kasabay nito, opisyal nang gagamitin ang pangalang ALA E sa halip na ALA EH upang mas maitugma ang baybay sa nakasanayang pagbigkas ng mga Batangueño.
Bahagi ito ng patuloy na pagsusulong ng kultura, turismo at lokal na identidad ng Batangas. | BChannel news