Dalawang lalaki ang arestado matapos umanong magnakaw ng mahigit limang metrong copper grounding cable wire sa isang ower cell site sa Perlas Compound, Barangay Kumintang Ilaya, Batangas City, madaling-araw ng November 24, 2026.
Kinilala ang mga suspek na sina Leo, 36-anyos, at Ronald, 19-anyos. Ayon sa initial police investigation, tinatayang 5.25 meters ng 35-millimeter copper wire, grounding GI pipe, at 35 pirasong clamps ang kanilang pinutol at inilagay sa isang bag.
Naabutan sila ng roving security guard, ilang residente at rumespondeng mga pulis bandang 1:00 ng madaling-araw. Narekober din ang dalawang pares ng pliers, isang manual hacksaw, combination wrench at flat screwdriver na pinaniniwalaang ginamit sa pagnanakaw.
Samantala, nakatakas ang ikatlong suspek na kinilalang si Terrence matapos tumalon mula sa bubong ng generator set at tumakas patungo sa kalapit na masukal na lugar.
Dinala sa Batangas Component City Police Station ang dalawang naaresto bandang 3:50 ng madaling-araw.
Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang criminal complaint laban sa mga naaresto habang nagpapatuloy ang follow-up operations para mahanap at mahuli ang nakatakas na suspek.